Pateros

Patriotismo at Dapitan 1890-2000

Pagbangon ng Sugatang Katawan at Paghilom sa Nasalatantang Kaakuhan

Dr. Ernesto R. Gonzales, Ph.D.


Ang "Pandemonyo ng Bayan"

Halos lahat naman ng yumaman sa Pilipinas ay hinahakot ang kayamanan palabas ng Sambayanang Ekonomiya upang dalhin sa mga mauunlad at mayayamang bansa. Ang resulta nito ay ang unti-unting pagkaubos ng mga kailangang pondong nasyonal upang unti-unting mapaunlad ang kabuhayan ng buong sambayanan. Iisa lang ang kadahilanan kung bakit ang mga yumaman na ito sa Pilipinas ay wala ni katiting na hangaring mapaunlad ang kabuhayan ng sambayanan. Wala silang patriotismo. Wala silang pagmamahal sa bayan. Subalit, bakit sila pa ang binibigyan ng maganda at malakas na poder ng bayan. Ang maaring makagawa at makaepekto sa kabuuang kalagayan ng bayan ay ang mga halal ng sambayanan - yaong mga pinagkatiwalaan ng bayan na mamuno sa kanila, yaong mga pinagkatiwalaan na magdala ng kapangyarihan at kayamanan ng Sambayanan.

katipunero

Noong huling pulong ng Pondong Pinoy na nilahukan ng libo-libong lider ng Simbahang Katoliko, lumalabas na ang sistema ng pulitika ng bansa ang siya mismong nagtulak sa atin upang malugmok sa putikan ng kahirapan. Ngayon, mayroong humigit-kumulang limang milyong Pilipinong nagdaranas ng papalubhang paghihikahos sa buhay ; walang hanapbuhay, walang pinag-aralan, walang matirhang bahay, walang makain, walang nadaramang dangal, wala nang pag-asa sa buhay. Mapupuna na yaong mga lubhang nanghina ay pumailanlang na sa kawalan ng malay. Ang kawalang-malay sa ganitong katayuan sa buhay ang nagiging solusyon ng iba upang maibsan man lamang ang kanilang matinding kinasadlakang hirap sa buhay. Ito ang mga tinatawag na napupwerang mga miyembro ng lipunang Pilipino. Ang karaniwang turing sa kanila ngayon ay maralitang tagalunsod o "urban poor." Kasama rin sa mga naghihirap na ito ang maraming pamilya na natutong mabuhay mula sa basura ng lipunang nagsadlak sa kanila sa ganitong uri ng pamumuhay. Sa kabuuan, ang mga mahihirap na Pilipino ay humigit kumulang ay 40% ng mahigit 80 milyong Pilipino ngayon.


Samantalang yaon namang namumuno sa bayan na pinagkatiwalaan ng kapangyarihan at kaban ng bayan natutukso sa tawag ng karangyaan ng buhay kung kaya't kahit ipagkanulo pa ang sambayanang dapat pagsilbihan ng tapat sa panunungkulan. Yaon namang mga biniyayaan ng Diyos at Estado na magtamasa ng limpak-limpak na kayaman ng bayan ay patuloy namang inilalabas na haplit ang kanilang kinitang kayaman sa loob ng Filipinas imbis na ipasok na muli upang mapalago ang kayamanan ng bayan. Kawalan ng konsiyensiya kung ano ang epekto ng kanilang ginagawang pagyurak sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng Sambayanan. Ang buong bansa ay halos magdugo na sa walang-patumanggang pagkaganid ng iilan, sukdulang pagnanakawan ang pondo ng bayan at makipagsabwatan sa malalaking negosyante at mga dayuhang mamumuhunan upang mapagsamantalahan ang Inang Bayan.

Ang mga katiwaliang ito ang nagdudulot ng malawakang paghihirap at paghihikahos ng buong bayan. Dahil sa paglawak ng pagkasira ng kalikasan bunga ng imbing pagnanasa sa kayamanan na ikasasama ng iba, parami ng parami ang mga tagakanayunan, lalong lalo na yaong mga kabataan, ang natututong umalis ng kanilang sinilangang nayon at makipagsapalaran sa mga siyudad ng sambayanan (i.e. Maynila, Cebu, Davao, atbp.). Ang mga ito na hindi nagkaroon ng sapat na paghahanda upang matutunan ang pamumuhay sa lunsod, at nagigiging mga maralitang tagalunsod. Ang mga pami-pamilya na rin nila ang nagdadanas ng matinding kahirapan, kawalan ng mapagkukunan ng pang-araw-araw na kabuhayan, ang panggigipit ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, mga pulitikong ginagamit lamang ang kanilang boto tuwing mayroong eleksyon at marami pang iba.

Dahil sa ganiito, ang pagkamakabayang mga Pilipino ay parang tubig na harangan man ang daraanan ay pilit na hahanap ng daan patungo sa hantungan. Ang pagkamakabayang ito ng ating Bayan ay patuloy lamang na babalong, yayabong, lalalim araw-araw, na parang napakalawak na Dam na sa pagsapit sa kasukdulan ay pilit-biglang hahanap ng daan, sukdulang wasakin ang daraanan, upang hanapin ang itinakdang tumana, ilog at kalookan, upang ang tubig ding ito ang mapagsimulan ng bagong buhay sa napakalawak na kaparangan.

Ito ang mga kadahilanan kung kayat minarapat ng manunulat na ito na ayusin ang basehan ng dumadaluyong at nagpupuyos na damdamin ng sambayan na ilagay na sa kanilang mga kamay ang nararapat na pagbabago ng buong Bayan. Hindi nararapat na emosyon lamang ang ating dala-dalang kasangkapan upang ayusin ang buong bayan. Dapat na tayong matuto sa nakapanghihinayang na malaking pagkakamali matapos ang Pag-aalsang Bayan sa EDSA noong 1986. Ang Lakas ng Bayan ay hindi gaanong nagamit tungo sa tunay na pagbabago ng lipunan na dapat sana'y ang nakikinabang ay ang buong bayan at di lamang ang iilan. Kung kaya't ngayon, lubos ang pangangailangan ng Sambayanan na bigyan ng sapat na batayan ang pahahangad na ito sa pagbabago. Kinakailangan ang isang malalim at malawak na pagsusuri kung bakit nasadlak ang buong sambayanan sa ganitong kalunos-lunos na kalagayan. Ito ang malaking dahilan kung bakit ang pluma ay muling itinakda upang bigyang - katuparan ang Dakilang Pangarap ng Lipunang Pilipino.

Ito ang Pluma ng Sambayanang Pilipino na itinakda sa makabagong panahon sa Kasaysayan ng ating Dakilang Lahi at Sambayanan.




Patriotismo ng Isang Pilipino


Sa aking paglayo, sa inakalang paglaya,
Dalumat sa sukdulang kaapihan sa sariling bayan.
Sa walang-sawang pagyurak sa iyong dangal at kagandahan
Sa paghimaymay ng daang taon na inalisan ka ng malay.

At pilit hinahanap sa labas ng kalooban……sa labas ng Bansa,
Sa aking paglayo ay lalo ka lamang pumipintig
Ng dalisay na pag-ibig sa aking dibdib.

At sa aking pagtanaw sa buong kalawakan
Pilit ginagagap ang talulot mong taglay
Upang sa kaginsa-ginsay bigyan buhay
Kamalayan mong namamatay
Dahil sa imbi at walang-tapos na pagyurak
sa dangal ng Dambanang Bayan na ibinaon sa lusak.

O, Bayang sakbibi sa hampas ng alon ng buhay
Winawasak, bundok at dagat may rikit na taglay
Mailap ang sagot sa aking kamalayan

Hanggang saan, hanggang kailan dapat na magdusa
Ang milyun-milyon kaluluwa na lubos ang kabanalan?
Ang bayang nasadlak sa kalapastanganan ng iilan lamang

O, aking pinakamamahal na Bayan!

Dr Ernesto R. Gonzales
Dr Ernesto R. Gonzales was a Philippine Fellow at the Asia Research Centre, London School of Economics and Political Science (LSE) during the Academic Year 2004/05. He received his Master of Science in Economics and PhD Applied Anthropology in Economics from the Asian Social Institute, Manila, Philippines in 2002, with the dissertation Economics of Ecological Anthropology in Pateros, Metro-Manila, and Its Implication to Sustainable Development. In 2000-2007, he was Director, Social Research Center of the Royal and Pontifical University of Sto. Tomas, Espana, Manila, Philippines. In 2003-2007, he was nominated to become the Chairman-Economics Committee of the National Research Council of the Philippines. He was the previous Chairman of the National Economic Protection Association of the Philippines and currently a Visiting Professor in Environmental Economics at the Graduate Program of the University of the Philippines, Metro-Manila in Business Management.